Ang Pooritang Gala

Akala ng iba sa akin (lalo na yung mga hindi mahilig magtravel), porket umaalis ako halos buwan-buwan, napupunta sa mga bundok, dagat o saan pa man, akala nila ang dami ko nang pera. At akala nila, napupunta lang sa ‘galaan’ lahat. 😄 Continue reading Ang Pooritang Gala

She’s a traveler, a frustrated accountant. An artist and a writer at heart. Unpredictable and spontaneous. A little weird and a little mysterious. So chase her and run with her. You’ll never get bored and you’ll never regret it.

Ang Tatlong Anghel sa UP

Dumayo kami ng mga kaibigan ko sa UP para kumain ng pansit canton, kwek-kwek at isaw nitong nakaraang linggo. Pero bukod doon, maswerte kaming nakarinig ng bagong kwento at maikling oras na di malilimutan.

Kilala na siguro sila ng ilang estudyante sa unibersidad. Narinig din kaya nila ang kwento ng tatlong anghel na ito?
Sila si Angel, Angelita at Angelo, tatlo sa anim na magkakapatid. Unang lumapit sa amin si Angelo, may bulutong pero pagaling na, mga dose anyos, nanghihingi ng limos pambaon daw kinabukasan. Medyo hindi ko pa siya pinapansin noong una, pero mabubuting tao ang mga kasama ko 😁 (echos lang), imbes na pera ang ibigay ay inalok nalang nila ng pansit canton. Agad namang pumili ang bata kung anong pansit canton combo ang nais niya. Hindi na siya nagdalawang-isip.  Gutom na sigurado.

Nakipag-kwentuhan muna kami sa kanya habang naghihintay maluto ang aming order. Biglang nakita sya ng dalawa pang bata at lumapit sa amin. Mas batang kapatid pala niya. Si Angel at Angelita (na nahawaan na rin ng bulutong at nilalagnat). Nagpadagdag kami ng order para sa kanila at sinimulan na ring makipagkwentuhan.

Hindi kami nahirapang malaman ang sitwasyon nila dahil willing silang sumagot. Sila pa nga ang nagkekwento. Napag-alaman naming walang trabaho ang nanay nila. Iniwan na sila ng tatay nila na nag-asawa ulit; ginugulpi raw sila kaya ayaw daw nila doon.  Nakakulong ang stepfather nila at dinalaw ng nanay nila sa kulungan. Napagbintangang nagnakaw ng mangga, at ng bisikleta, dagdag ni angelo nung nagtaka kami sa sagot nya. Meron pa bang nagpapakulong dahil lang sa pagnanakaw ng mangga? Grabe ah. Anyway, nag-aaral silang tatlo (grade 5 si Angelo pero di ko na tanda ang grade at edad nung dalawa). Ang nalilimos nila ay pinambibili nila ng bigas. Minsan, hinihingian din sila ng mga batang hamog para pambili ng yosi at chongke, pag hindi sila nagbigay, gugulpihin sila.

Pero kahit mahirap ang kanilang sitwasyon, nakakangiti sila at nakakapgbiro. Tinatawanan nila yung mga kwento nilang masasaya. Hayagan nilang kinikwento ang buhay nila, na tila wala silang alam kung gaano kahirap ang hirap na dinaranas nila. Hindi nila alam kung gaano sila katatag. Sila ay mga bata pa lamang. Walang bahid ng galit sa mukha nila, pero dama mo ang lungkot. Higit pa sa lahat, marunong silang magpasalamat. “Maraming salamat po!”, “Salamat po” at “Ingat” ang narinig ko sa kanila noong paalis na kami. Maraming nanlilimos na nagagalit kapag di mo nabigyan, pero iba ang tatlong to. Nakakatuwa.

Di na bago ang ganitong sitwasyon. Di na bago sa lipunan na puno ng mahihirap. Di na bago sa Pilipinas. Pero bawat kwento may bagong aral, may bagong mensahe. Kailangan mo lang ay makinig at magmasid. Hindi lahat ng nasa kalye masasama, manghoholdup, magnanakaw. Di lahat ng nanlilimos dulot ng sindikato at bumibili lang ng rugby, solvent or kung anu-ano pang masamang bisyo. Sa likod ng nakaunat nilang kamay, may kwento, may dahilan.

Ito ang kwento ng tatlong anghel na si Angelo, Angelita at Angel. Hindi pa tapos ang aklat ng buhay nila, mahaba pa ang kanilang lalakbayin. Nawa, maging isa itong magandang aklat na kapag nabasa ng lahat, di mo mapipigilang mapangiti at magpasalamat. 😊

image

image

image

image